Transparency Seal


ISO 9001:2015 QMS

 


 
Visitors Counter
2.png4.png1.png8.png9.png0.png
Today619
This week3913
This month3913
Total241890

 
Calendar of Events
 
Like us on Facebook
 
Follow us on Twitter
 
Publications

       Annual Report 2015       Trailblazer Jan to Mar 2016 
 

Ilang celebrities nakipagtulungan sa DILG para isulong ang disiplina sa paglaban sa COVID-19

Ilang mga celebrities ang nakikipagtulungan sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) upang isulong ang disiplina at itaguyod ang #DisiplinaMuna mentality sa pagharap ng bansa sa tinatawag ngayong “new normal” laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Secretary Eduardo M. Año, ang mga artistang sina Diether Ocampo at Matteo Guidicelli at vlogger, host, peryodistang si James Deakin, kasama din si Paolo Bediones ay kaagapay ng Kagawaran sa adbokasiya nitong Disiplina Muna na layong buhayin ang kahalagahan ng disiplina ngayon sa pinapairal na enhanced community quarantine (ECQ).

"Walang katiyakan ang mga panahong ito kaya mahalagang makuha natin ang suporta ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pamumuhay ng may disiplina lalo na ngayong 'new normal' na. Nagpapasalamat kami na may mga katuwang kami na mga kilalang personalidad na hihimok sa publiko na isulong at ipraktis ang disiplina para tapusin ang Covid-19," ani Año.

"Sa tulong nila, maipararating natin ang mensahe sa ating mga kababayan na ang maitutulong nila sa laban na ito ay ang pamumuhay ng may disiplina," dagdag pa niya.

Samantala, sinabi naman ni DILG Undersecretary Jonathan E. Malaya na ang kahalagahan ng disiplina para manatili sa bahay, pag-iwas sa pagpapakalat ng fake news, at patuloy na pag-obserba sa kalinisan ang ilan lamang sa mga pangunahing ambag ng mga Pilipino laban sa COVID-19.

“Disiplina ang ating pinakamalakas na panangga laban sa COVID-19. Kung lahat po tayo’y susundin ang mga alituntunin ng pamahalaan ay mataas ang tsansang bumaba ang kaso ng COVID-19 sa bansa at mabibigyang pokus ng gobyerno ang paggamot sa mga pasyenteng may coronavirus hanggang sa ito’y tuluyang mapuksa,” aniya.

Ngayong nasa quarantine ang mga tao at regular na naghuhugas ng kamay at nililinis ang sarili, ipinapaalala ni Malaya na maging responsable sa paggamit ng tubig. “Hindi po maiwasang tumaas ang paggamit ng tubig sa gitna ng quarantine. Kahit na tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na sapat ang suplay ng tubig sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya, pinakamainam pa ring maging masinop tayo sa paggamit ng tubig at iwasan ang pag-aaksaya,” sabi pa nito.

Tagubilin din ni Malaya ang pagpapairal ng disiplina sa social media lalo na sa maling pagpapalaganap ng fake news. Ito ay maaari lamang maging sanhi ng pagkabahala at pangamba lalo na sa kasalukuyang panahon.

“Sinusuportahan namin ang babala ng PNP sa mga nagpapakalat ng fake news dahil matutunton at maaaresto sila. Kaya maging disiplinado po tayo bilang mga mamamayan at netizens,” diin pa ni Malaya. Dagdag niya na kailangan din ang disiplina sa bawat antas, sa sarili, sa sambahayan, at bawat local government units (LGUs).

Ang Disiplina Muna ay isang pambansang adbokasiya ng Kagawaran na layuning paigtingin ang kamalayan ng bawat Pilipino sa kanilang tungkulin sa pagpapaunlad ng bansa, pagpapanatili ng kapayapaan bilang shared responsibility, sa pamamagitan ng pagtulong-tulong ng nasyonal at pamahalaang lokal, pati na rin ang pribadong sektor, ang media, at ang civil society.

Mensahe ng Disiplina

Nagpasalamat si DILG Secretary Año kina Ocampo, Guidicelli, Bediones, at Deakin sa kanilang mensahe para sa bawat Pilipino na naghihikayat na maging disiplinado ang bawat isa habang hinaharap ang laban sa COVID-19.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Ocampo ang kahalagahan ng pagkukusa ng mga mamayan na magkaroon ng disiplina sa sarili. Sa nasabing post sinabi niya, “Dapat nating ipatupad ang disiplina muna. Disiplina muna para sa ating kalusugan, disiplina muna sa pagsunod sa mga alituntunin, mga paalala para maiwasan natin ang magiging komplikasyon ng coronavirus.”

Hinikayat naman ni Guidicelli ang bawat Pilipino na tugunan ang krisis na ito gamit ang mensahe ng programang Disiplina Muna ng DILG, habang hinihimok ang lahat na magkaisa at makibahagi sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng disiplina habang nilalabanan ng lahat ang pandemya.

Mahalaga ang disiplina at ito ang makatutulong sa mga mamamayan para malampasan ang krisis na ito, ayon pa kay Guidicelli.

Samantala, si Bediones naman ay co-host sa isang online show, “Magtanong sa DILG”, kasama ang Tagapagsalita ng Kagawaran na si Usec Malaya, na sumasagot sa mga katanungan ng mga tao sa DILG patungkol sa mga kaganapan sa coronavirus.

Maliban kina Ocampo, Guidicelli, Deakin, at Bediones, kabilang din sa mga Disiplina Muna ambassadors ay ang aktor na si EJ Falcon, Manila Mayor Isko Moreno at Ormoc City Mayor Richard Gomez.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Ilang-celebrities-nakipagtulungan-sa-DILG-para-isulong-ang-disiplina-sa-paglaban-sa-COVID-19/NC-2020-1129

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System

Featured Videos