DILG suportado ang programang Balik Probinsiya pagkalipas ng krisis sa COVID-19

Sa paniniwalang ang pagpapaluwag ng Metro Manila ay susi sa pagpigil sa muling pagbugso ng COVID-19, sinabi ng Department of the Interior and Local Government o DILG na sinusuportahan nito ang panukala ng isang senador na himuking pabalikin ang mga residente ng Metro Manila sa kanilang probinsiya sa ilalim ng programang Balik Probinsiya kapag nalutas na ang krisis ng pandemya.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo M. Año, ang nakakahawang sakit na COVID-19 ay madaling kumalat sa mga lungsod. Aniya, ang programang Balik Probinsiya na isinusulong ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ay maaaring maging isang solusyon sa lumolobong populasyon ng Metro Manila.

Ipinaliwanag ng Kalihim na ang pagsisiksikan ng mga tao sa National Capital Region ang dahilan kung bakit ito ang may pinakamataas na kaso ng COVID-19. Noong 2015, umabot na sa 20,785 katao kada kilometro kuwadrado ang population density ng rehiyon.

“Malaki ang populasyon ng Metro Manila kaya napapanahon at sang-ayon kami sa magandang mungkahi ni Senator Go. Ang pagdecongest ng Metro Manila ay napapanahon na at kailangang maisakatuparan ito,” dadag niya.

Sa ilalim ng Balik Probinsiya, binibigyan ng insentibo ng national government tulad ng kabuhayan o tulong pinansiyal ang mga Pilipinong lilipat sa mga probinsiya pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Año, kung maaaprubahan ang panukala ni Go, kailangang paghandaan ng mga lokal na pamahalaan sa tulong ng national government ang pagbabalik ng mga taong magdedesisyon nang manirahan muli sa mga lalawigan.

“Kung mangyayari ito, hinihikayat natin ang mga local government units na ngayon pa lang ay mag-isip na ng mga hakbang para matugunan ang pagdating ng mga kababayan nilang magsisi-uwian mula sa Metro Manila,” aniya.

Kung maisasabatas ang Balik Probinsiya, ito ay ipatutupad pagkatapos ng krisis ng COVID-19.

“Ito ay isang mabuting inisiyatibo nguni’t nangangailangan ng mga patnubay o guidelines bago maipatupad. Hindi din naman ito isasalang ng pamahalaan kung hindi kumpleto ang provision at detalye lalo pa at malaki ang potensyal nito na makatutulong sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Año.

Ayon sa kalihim, makakatulong ang panukalang programa sa paglutas sa mga problema ng trapiko, hindi pantay na pag-unlad, kakulangan ng sanitasyon at health care, at sobrang pagdami ng populasyon sa mga lungsod.

“Mahaharap natin ang ibang isyu, maliban sa COVID-19, kapag ito ay ating naisakatuparan. Mga problema ding matagal ng nagpapahirap sa ating bansa,” aniya.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-suportado-ang-programang-Balik-Probinsiya-pagkalipas-ng-krisis-sa-COVID-19/NC-2020-1112

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System