DILG sa mga LGU: Kumpletuhin ang pamamahagi ng SAP emergency subsidy hanggang Abril 30

May apat na araw o hanggang Abril 30 ang mga local government units (LGU) upang ganap na maipamahagi ang emergency subsidy sa 18 milyong pamilya na mga intended beneficiaries sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na dapat madaliin na ng mga LGUs ang pay-out o pamamahagi ng tulong pinansiyal ng SAP sa mga intended beneficiaries upang makaraos sila sa panahon ng krisis na Covid-19.

“Ibinaba na po ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pondo para sa SAP emergency subsidy sa mga LGUs kaya wala na pong dahilan para hindi iyan makarating sa ating mga kababayang kapos-palad ngayong panahon ng pandemya,” sabi ni Año.

Inisyu ng Kalihim ang panawagan kasunod ng mga ulat na natanggap ng kanyang tanggapan na mayroon pang mga low-income families na hindi pa rin nakakatanggap ng tulong pinansyal na SAP sa kabila ng kanilang pagkumpleto ng mga SAC forms.

“May kasabihan tayo na ‘aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.’ Kaya’t ang bilin natin sa lahat ng LGUs ay bilisan ang pagbibigay natin sa kanila ng ayudang nanggaling sa pamahalaan,” aniya.

Ipinaalala ng DILG sa lahat ng LGU na lumagda sila ng isang MOA kasama ang DSWD at dapat nilang sundin ang mga napagkasunduan sa MOA, kung hindi ay pananagutin sila.

Ani pa ni Año na naghahanda ang gobyerno para sa pamamahagi ng second wave ng tulong pinansyal ng SAP kung saan pagtutuunan ang mga lugar sa ilalim ng pinalawig na ECQ at sa mga "naiwan" sa first wave.

“Mamimigay na tayo ng second wave ng SAP sa Mayo. Tiyakin natin na ang lahat ng mga pamilya na hindi nakatanggap at kabilang naman sa masterlist ay makakatanggap din ng emergency subsidy sa pagkakataong ito," aniya.

Ayon sa Bayanihan Heal as One Act, bawat isa sa 18-milyong mga pamilya na may mababang kita ay bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 na subsidy para sa pangunahing pagkain, gamot, at toiletries na batay sa umiiral na regional minimum wage rates at umiiral na mga programang pang-ayuda ng lokal at pambansang pamahalaan.

Isang SAP Program lamang

Samantala, binigyang diin ng tagapagsalita ng DILG Spokesperson at Undersecretary for Plans, Public Affairs and Communication na si Jonathan E. Malaya na ang bawat kuwalipikadong pamilya ay makakakuha ng isang programa ng SAP lamang.

Sinabi ni Malaya na ang kuwalipikadong pamilya ay maaaring tumanggap ng tulong pinansyal ng SAP mula sa alinmang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, at Department of Trade and Industry.

“Ang gobyerno ay may nakahandang ayuda para sa 18-milyong pamilya na nasa iba-ibang kategoriya. Kaya kung ang isang pamilya ay nakakuha na mula sa isang ahensiya, hindi na sila puwedeng tumanggap pa sa kabilang ahensiya except kung may butal,” sabi ni Malaya.

Pinaalalahanan din ni Malaya ang publiko na gamitin ang natanggap nilang pondong pinansiyal ng SAP mula sa pamahalaan sa tama at maayos na paraan.

“Gamitin ninyo ng tama at wasto ang bigay ng gobyerno para sa inyo. Hindi mangingimi ang gobyerno na alisin sa listahan, bawian ng ayuda, o parusahan ang sinumang nagsusugal at nag-iinom ng alak sa panahon ng krisis na ito,” sabi ni Malaya.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-sa-mga-LGU-Kumpletuhin-ang-pamamahagi-ng-SAP-emergency-subsidy-hanggang-Abril-30/NC-2020-1114

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System