DILG sang-ayon sa utos ng SC na bawasan ang mga tao sa mga bilangguan sa gitna ng pandemya

Malugod na tinanggap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kalalabas pa lang na Administrative Circular ng Korte Suprema na nag-uutos na paluwagin ang mga bilangguang pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor) sa gitna ng krisis ng COVID-19.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, ang utos ng Kataas-taasang Hukuman ay makatao at magsusulong ng social restorative justice, habang pinapagaan ang pasanin ng mga persons deprived of liberty (PDL) at mga tauhan ng BJMP na nagtatrabaho buong araw at gabi upang ipatupad ang mga mahigpit na bilin ng Department of Health (DOH) na panatiliing ligtas ang mga bilangguan.

“Malaking tulong ito sa ating mga mahihirap at matatandang nakapiit sa ating mga pasilidad na mabigyan sila ng pagkakataong makapiling muli ang kanilang mga mahal sa buhay. Malaking ginhawa din ito sa ating mga tauhan sa BJMP dahil mababawasan ang kanilang mga alalahanin sa gitna ng banta ng COVID-19,” ani Año habang pinasasalamatan si Chief Justice Diosdado Peralta na naglabas ng Administrative Circular 39-2020.

Binabawasan ng natutang direktiba ang piyansa ng mga naakusahan ng krimen na may pataw na reclusion temporal o 12 hanggang 20 taong pagkakakulong, habang ang mga nahatulan ng anim na buwan pababa ay maaaring palayain base sa tinatawag na recognizance.

Bilang isang mahalagang istratehiya, paliwanag ni Año, uunahin ng BJMP ang pagpapalaya sa mga kuwalipikadong PDL na may court order at kasalakuyang napipiit sa mga pasilidad ng BJMP na may kumpirmadong kaso ng COVID-19 upang hindi na mahawa ang ibang PDL.

“Kami ay nag-iingat upang hindi na kumalat ang virus sa apat na pasilidad at ipinatutupad ang contract tracing, mabilisang paghihiwalay ng mga suspected cases, at serbisyong medikal sa mga PDL, bukod pa sa mga hakbang na ipinatutupad sa mga BJMP facilities sa buong bansa,” anang Kalihim.

Ayon kay Año, apat sa 468 pasilidad ng BJMP sa buong bansa ang nag-ulat na ng 345 kaso ng COVID-19.

Mahigit sa 3,000 PDL sa mga BJMP facilties maaaring palayain

Samantala, inihayag ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na base sa mga talaan ng BJMP, mga 3,000 PDLs sa buong bansa ay kuwalipikado ayon sa mga patakaran ng Korte Suprema at maaaring palayain sa oras na makatanggap ng court orders.

“Sa panig ng DILG, patuloy naming isusulong ang mga legal na paraan ng pagpapaluwag ng mga bilangguan. Kung anuman ang ipag-uutos sa amin ng korte at meron ng court orders para dito, ‘yun naman po ang aming susundin,” dagdag ni Malaya.

Ipinaliwanag niya na ayon sa nasabing kautusan ng Korte Suprema, maaaring maghain ng petition ang mga abogado ng mga PDL sa mga mababang hukuman. Sa oras na ito ay aprubahan at ang release order ay mailabas, palalayain ng BJMP ang PDL base sa piyansa o recognizance.

Para naman sa mga hindi makakalaya, patuloy na ipatutupad ng BJMP ang mga hakbang upang huwag nang kumalat ang pandemya, tulad ng electronic dalaw, o e-dalaw, pagtatakda ng mga handwashing area at regular na disinfection ng mga pasilidad.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-sang-ayon-sa-utos-ng-SC-na-bawasan-ang-mga-tao-sa-mga-bilangguan-sa-gitna-ng-pandemya/NC-2020-1128

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System