DILG pinapurihan ang mga benepisyaryo ng SOCCSKSARGEN, Navotas sa pagsoli ng P14.6M tulong pinansyal ng SAP

Pinuri ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno sa Rehiyon 12 at sa Navotas dahil sa kanilang pagsauli at pagbalik ng kabuuang P14.6-milyon na emergency cash assistance upang maibigay ito sa iba pang mga pamilya na may mababang kita.

“Nakakabilib ang mga taga-Region 12 at Navotas. Nagawa nilang ibalik ang ayuda na dapat sana ay para sa kanila para mapakinabangan ng iba pang mas nangangailangan. Yan ang tunay na Bayanihan sa panahon ng COVID,” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Ang higit pang nakapagbibigay inspirasyon, ayon sa DILG Chief, ay ang ang mga nagbalik o tumanggi na tanggapin ang tulong pinansyal ng SAP ay mahirap din at sinusubukan na maitawid ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

“Kahanga-hanga talaga ito. Mga mahihirap na tumulong sa kapwa mahihirap. Mas makahulugan ang pagtulong dahil kahit salat rin sila sa buhay ay inisip pa nila ang iba na nasa mas abang kalagayan,” aniya.

Sinabi ni Año na ang pagkabukas-palad at kabutihang-loob ng mga benepisyaryo ng SAP sa Rehiyon 12 at Navotas ay naglalarawan ng tunay na katangian ng Pilipino na lumalabas sa panahon ng mga kalamidad. “Sa gitna ng Covid-19 crisis, ang mga kuwento ng pag-asa at kabutihang tulad nito ang nagbibigay sa atin ng lakas at inspirasyon na magpakatatag para malampasan ang bangungot na ito,” aniya.

Ayon sa mga ulat na natanggap ng DILG Central Office, nasa P10,305,000 na SAP tulong pinansiyal sa Rehiyon 12 at P4.6-milyon sa Navotas ang ibinalik o tinanggihan ng ilang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng SAP.

Samantala, binanggit din ng tagapagsalita ng DILG at Undersecretary Jonathan E. Malaya ang mga pagsisikap ng mga local government unit (LGUs) sa Rehiyon 12 dahil sa kanilang mabilis na aksyon sa pagbibigay ng SAP sa mga benepisyaryo.

"Mula noong Mayo 2, 66.79% na ng mga target beneficiaries sa rehiyon ay nabigyan na ng tulong, kasama ang 30 LGU na may 90 hanggang 100% porsyento na na ang naipamahagi. Sigurado ako na sa kapag nagpatuloy ito, makakacomply sila sa deadline ng DILG,” aniya.

Sinabi ni Malaya na ang mabilis na pag-download ng pondo ng DSWD sa mga LGU ay maaaring maiugnay sa agarang pagsumite ng mga LGU ng Memorandum of Agreement at mga panukalang proyekto na kinakailangan bago ang pagpapalabas ng pondo ng SAP.

"Ang mga payouts sa rehiyon ay kasalukuyang nagpapatuloy at inaasahan namin na makumpleto ng LGU ang pamamahagi upang makapagliquidate na sila at makapaghanda para sa pangalawang tranche ng tulong ng SAP para sa mga mahihirap," aniya.

Sa ilalim ng social amelioration program ng gobyerno, 18-milyong mga pamilyang may mababang kita ang bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 na subsidy para sa kanilang pagkain, gamot, at tolietries na natantya batay sa umiiral na minimum wage rate at kasalukuyang subsidy programs ng lokal at pambansang pamahalaan.

Ang bawat kuwalipikadong pamilya ay maaaring tumanggap ng tulong pinansiyal ng SAP mula sa alinman sa Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, o sa Department of Trade and Industry.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-pinapurihan-ang-mga-benepisyaryo-ng-SOCCSKSARGEN-Navotas-sa-pagsoli-ng-P146M-tulong-pinansyal-ng-SAP/NC-2020-1132

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System