DILG pinalawig ang pagbibigay ng SAP hanggang Mayo 10, pinuri ang 985 na LGUs na nakumpleto na ang pamamahagi

Pinalawig ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ang pamamahagi ng unang tranche na tulong pinansiyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno hanggang Mayo 10, 2020, habang pinuri naman nito ang 985 na local government units (LGUs) sa buong bansa matapos makumpleto nila ang payout sa naitakdang deadline.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, naiintindihan niya ang mga balakid na sinasalubong ng iba’t ibang LGUs lalo na ang mga lugar na may mataas na populasyon gaya ng Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna Bulacan, at Cebu, pati na rin ang Davao City, kaya napagdesisyunan ang pagpapalawig ng SAP.

“Nakatanggap kami ng mga report sa aming mga field offices na kahit 24/7 ang pamimigay ng ayuda ay mahihirapan talagang makahabol ang LGU sa May 7 deadline lalo na ‘yung mga nasa Metro Manila. Samakatuwid, binibigyan natin sila hanggang sa Mayo 10 para makompleto lahat ‘yan,” aniya ni Año.

Idinagdag pa niya na nanghingi ng dagdag na tatlong (3) araw ang League of Cities in the Philippines at ang League of Municipalities of the Philippines kasama ang Metro Manila Development Authority para matapos ang pamimigay ng SAP.

Sinabi ni Año na ang mga LGUs na hindi makakasunod sa nasabing petsa ay makakatanggap ng show cause orders mula sa Kagawaran. “Ito ang huling pagpapalawig na mabibigay namin sa mga LGUs. Hindi na makapaghihintay pa ang ating mga mamamayan,” aniya.

Sinabihan ni Año ang 985 LGUs na agarang i-liquidate ang buong halaga ng napamahagi sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Nasa pangalawang round na ng distribusyon ng SAP. Sa puntong ito, dapat alam na ng mga LGUs ang pinakamabisang paraan ng pamamahagi sa ating mga pamayanan. Alamin ang mga pagkukulang upang masigurado na nakakatanggap ang mga benepisyaryo ng buong halaga sa lalong madaling panahon. Iyong hindi nabibinbin ang distribusyon at walang ganid na nakakakupit o nakakabulsa nito,” sabi ni Año nitong Huwebes.

Sabi ni Año, ayon sa ulat ng mga DILG Regional Offices nitong alas otso ng gabi ng Mayo 6, sa 985 LGUs na nakatapos ng pamamahagi, 123 dito ay nasa Western Visayas; 102 sa Rehiyon ng Bicol; 95 naman ay nasa Eastern Visayas; 75 sa Rehiyon ng Ilocos; 69 sa Zamboanga Peninsula; 65 naman sa CARAGA; 74 sa CALABARZON; 62 ay sa MIMAROPA; 60 sa Northern Mindanao; 63 sa Cordillera Administrative Region (CAR); 70 sa Central Visayas; 39 sa Central Luzon; 33 sa SOCCSKSARGEN; 29 sa Cagayan Valley; at 26 naman sa Rehiyon ng Davao.

Magsasagawa ng validation ang DSWD sa loob ng 15 araw matapos ang pamamahagi ng mga LGU upang tingnan kung tama ba ang mga nabigyan na benepisyaryo at alamin na walang katiwalian ang naganap kagaya ng pagbibigay ng dobleng tulong pinansyal sa isang pamilya, at iba pa.

77.68% National Payout Rate

Samantala, sabi ni DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan E. Malaya, 77.68 porsyento na ng mga nakatakdang benepisaryo ang nakatanggap ng kanilang SAP ayon sa datos nitong alas-10 ng gabi, Mayo 6.

Ang rehiyon ng CARAGA ang may pinakamataas na naitalang payout rate na umabot ng 99.88% habang kasunod naman ang Bicol Region na nasa 99.51% at CAR na may 89.26, ani Malaya.

Sumunod dito ang Rehiyon ng Ilocos na may 86.36% na payout rate; SOCCSKSARGEN na may 85.9%; Northern Mindanao na nasa 82.26%; 78.50% sa Central Luzon; Eastern Visayas na may 76.05%; sumunod ang 77.89% ng Western Visayas; ang 77.39% ng Cagayan Valley; ang CALABARZON na nagtala ng 73.61%; Zamboanga Peninsula na may 70.42%; MIMAROPA na nasa 66.97%; ang Central Visayas na may 62.58%; at ang National Capital Region (NCR) na may 62.51%; sumunod ang Rehiyon ng Davao na may 57.87% na payout rate.

Ayon pa kay Malaya, inaasahan na papalo sa 80% ang pambansang payout rate sa pagtatapos ng araw na ito. “Ibig sabihin, sa kada 10 low income na pamilya, mayroong 8 na nakatanggap na ng kanilang emergency subsidy sa pagtapos ng araw na ito. Mabuting balita na ito,” dagdag ni Malaya.

“Iba-iba ang dami ng LGUs na nasasakupan ng bawat rehiyon at may mga factors sa pagkakaiba ng ratings subalit nararapat pa ring papurihan ang mga rehiyon na mataas ang payout rate sa loob ng deadline na ibinigay ng DSWD at ng DILG,” aniya.

Sinigurado ni Malaya na ang DILG ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa DSWD upang maisaayos ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP ngayong buwan habang sumusunod sa mga pinapairal na panuntunan sa kalusugan.

“Sa kabila ng mga numero at [iba pang datos] nagpapasalamat pa rin ang DILG sa ating mga LGUs na walang sawang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa pamamahagi ng SAP at ang pagpapairal ng diwa ng bayanihan to heal as one. Naniniwala ako na napakarami pang mga kahanga-hangang kuwento na atin pa lang malalaman sa likod ng mga numerong ito,” dagdag niya.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-pinalawig-ang-pagbibigay-ng-SAP-hanggang-Mayo-10-pinuri-ang-985-na-LGUs-na-nakumpleto-na-ang-pamamahagi/NC-2020-1139

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System