DILG pinapurihan ang 1,204 LGUs na nakompleto ang 1st tranche ng SAP isang araw bago mag-May 10 deadline

Isang araw bago ang nakatakdang deadline sa pamimigay ng SAP, pinapurihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 1,204 local governments units (LGUs) sa buong bansa na nakakumpleto na ng pamamahagi ng unang ayuda ng emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno sa kabila ng coranavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at quarantine measures sa mga lokal na pamayanan.

Ibig sabihin nito na ang national payout rate ngayong alas nueve ng gabi ng Mayo 8 ay 85.49% na, sabi ni DILG Sec. Eduardo Año.

Nangunguna dito ang CARAGA region na mayroong 100% payout rate, sumusunod ang Bicol region na mayroong 99.79% rate, at kasunod ang Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 93.32%.

Ang Ilocos region ay nagrehistro ng 91.12% payout rate kasunod ang Central Luzon na may 90.92% performance. MIMAROPA ay nasa 89.85%, Cagayan Valley sa 89.12%, SOCCSARGEN sa 87.92%, Western Visayas sa 87.55%, Northern Mindanao sa 86.56%, Zamboanga Peninsula sa 84.59%, Eastern Visayas sa 81.92% , CALABARZON sa 79.61%, National Capital Region (NCR) sa 75.39%, Central Visayas sa 71.67% at Davao Region sa 57.87%.

"Ang SAP ay galing sa bayan na ibinabalik sa taumbayan. Ang national at lokal na gobyerno ay tagapagpaganap ng tamang paggastos at pamamahagi sa mga mahihirap na pamilya upang matulungan sila ng Covid-19," sinabi nito ngayong Sabado.

"Para sa akin, ang ibig sabihin ng SAP ay Sapat na Ayuda para sa mga maralitang Pilipino, at inuulit ng DILG ang direktiba sa lahat ng hindi pa nakakumpleto na tapusin na ito bago ang nakatakdang deadline bukas. Kailangang maagap at matino sa pangangasiwa ng SAP," sabi nito.

Sa 1,204 na LGUs na nakakumpleto ng payout, 124 ay nagmula sa CALABARZON, 128 sa Western Visayas at 119 naman mula sa Eastern Visayas.

Ang Bicol region ay mayroong 110 LGUs na nakakumpleto ng unang round ng payout; Ilocos Region may 88 LGUs; Central Visayas 84; Central Luzon mayroong 77; Caraga at Northern Mindanao parehong mayroong 73; Zamboanga Peninsula, 70; CAR at MIMAROPA mayroong 69 bawat isa; Cagayan Valley 56; SOCCSKSARGEN na may 38; Davao Region 26; samantalang wala pang LGUs sa NCR ang nakakumpleto sa pamimigay ng unang ayuda kahapon.

"Ang mga best practices ng mga LGUs ay dapat ibinabahagi sa ibang LGUs dahil malapit na rin ang pamamahagi ng pangalawang ayuda ngayong buwan. Lalo pa nating paigtingin ang bayanihan upang ang ating bansa ay magkaisa," sabi ni Año.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pangalawang ayuda ng SAP ay maaaring ilabas bago mag-Mayo 20 sa mga LGUs na nakapag-submit na ng kumpletong liquidation reports ng naunang ayuda. Ang DSWD ay magsasagawa ng validation upang makasiguro na ang mga nakatanggap ng unang ayuda ay nararapat at hindi nagkadoble-doble.

"Ifoforward ng DSWD sa DILG ang mga reklamo laban sa LGUs kaugnay sa SAP. Titiyakin ng Kagawaran na mananagot ang dapat managot,” sabi ng DILG Secretary.

Nauna pa rito, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ng pabuya na P30,000 cash sa taong makapag-report ng corrupt na lokal na opisyal na diumano ay nagnanakaw sa mga beneficiaries ng SAP.

95% posting ng beneficiaries

Ayon naman kay DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan E. Malaya, ang CARAGA, CAR at Northern Mindanao ay nasa 100% compliance na sa posting ng beneficiaries sa mga barangay hall mula noong ika-9 ng gabi ng Mayo 8. Ang DSWD ay nakapag-umpisa na rin ng posting ng benipersaryo sa kanilang website.

Ito ay sinusundan ng SOCCSKSARGEN na may 99.92% na barangays kasunod ang Ilocos Region, 99.51%; Eastern Visayas, 99.36%; Cagayan Valley , 98.36%; Bicol region, 98.11%; MIMAROPA, 97.40%; Zamboanga Peninsula, 97.22%; Central Visayas, 95.30%; Western Visayas, 91.19%; CALABARZON, 87.30%; Central Luzon, 87.30%; at NCR na mayroong 75.62%.

"Ang pamamahagi ng LGUs ng SAP ay kailangang maging Swift, Accountable at Participative upang makilahok at malaman ng mga tao kung paano ginamit ang bawat piso ng bilyong pondo ng SAP," sabi ni Malaya.

Ang mga encoded na listahan ng SAP beneficiaries ay bahagi ng liquidation na isa-submit ng mga LGUs sa loob ng 15 araw pagkatapos ng pamamahagi ng unang ayuda para maibaba ng DSWD ang pondo para sa pangalawang ayuda.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-pinapurihan-ang-1204-LGUs-na-nakompleto-ang-1st-tranche-ng-SAP-isang-araw-bago-mag-May-10-deadline/NC-2020-1143

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System