DILG sa LGUs: Patuloy na maging listo ngayong nagsimula na ang pag-flatten ng curve ng COVID-19 sa bansa

Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na maging listo, huwag maging pabaya at ipagpatuloy ang mga nakamtan sa pagkontrol ng pagkalat ng COVID-19, alinsunod sa opisyal na pahayag ng Kagawaran ng Kalusugan na nagsisimula nang ma-flatten ang curve ng bilang nga mga nagkasakit sa COVID-19 sa bansa.

“Nagsisimula na nating makita ang ilaw sa dulo ng tunnel dahil sa pagsisikap ng gobyerno at kooperasyon ng mga mamamayan laban sa COVID-19 ay nagbubunga na. Ipagpatuloy lang po natin ang pagtitiis, sakripisyo at pagiging disiplinado para hindi na kumalat pa ang sakit na ito. Tandaan #DisiplinaMuna!” sabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na “hindi ito ang dulo ng daan” dahil ang pambansang pamahalan at LGUs ay kailangang magpatuloy na palakasin ang kanilang contact tracing at pagpabutihin ang kanilang mga imprastraktura at pasilidad para sa critical care ng mga pinaghihinalaan at kumpirmadong kaso ng COVID-19.

“Ang walang humpay na operasyon at mahigpit na health at public safety measures ang susi upang mapagtagumpayan natin ang laban sa COVID-19 virus. Panatiliin ang inyong mga nasasakupan na ligtas sa lahat ng oras. Huwag magkumpiyansa hanggang matuklasan ang bakuna sa virus na ito. Sa paraang ito lamang tayo makakasiguro ng ating tagumpay,” sabi ni Año.

“Hindi pa po panahon ng pagrerelax at pagwawalwal kasi ang iniiwasan natin ay magkaroon ng second wave at muling lumobo ang mga kaso ng Covid-19,” dagdag pa niya.

Sinabi ito ng kalihim ng DILG matapos matuklasan ng Department of Health ang mas matagal na panahon ng pagdoble ng mga kaso, pagbagal ng dami ng namamatay at pagdami ng bilang ng mga nakakarekober. Sa ngayon ay meron na ring 10% positivity rate na nagpapakitang nagsisimula nang ma-flatten ang curve sa bansa.

Ipinaliwanag ni Dr. John Wong, epidemiologist at Associate Professor ng Ateneo School of Medicine and Public Health at Roux Prize Winner, kung paano natin malalaman na nagsisimula nang ma-flatten ang curve base sa pagsukat ng doubling time o panahong itinatagal ng mga kaso o pagdoble ng bilang ng namamatay. Ayon sa kanya, bagaman sa simula ay mabilis ang pagdami ng mga kaso at namatay ay napabagal ng ECQ ang bilis ng pagkalat ng virus kaya unti-unti ang pag-flatten ng curve.

“Pagdating ng April 1 kung kailan ipinatupad ang ECQ, makikita niyo na ang curve ay nagsimula nang ma-flatten. Mula sa pagdoble ng hindi bababa sa tatlong araw, ngayon ay nagdodoble na ito sa loob ng nasa apat na araw,” pahayag ni Dr. Wong. Sa pagsukat ng case doubling time, ang mas mababang numero ay nangangahulugang mas mabilis ang pagkalat, habang ang mas mataas na numero naman ay nangangahulugang mas mabagal ang pagkalat. Sa Luzon, maliban sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na probinsya, iniulat ni Dr. Wong, “Nagkaroon ng drastikong flattening, malapit sa seven-day line.”

Inilahad ni Dr. Wong na ang bansa sa pangkalahatan ay may case doubling time na 4.6 days, na nagpapahiwatig na ang mga kaso ay dumodoble halos tuwing apat hanggang limang araw. Maliban sa NCR at ang mga karatig na probinsya nito, ang nalalabi sa tatlong rehiyon na isinailalim sa ECQ—Luzon, Visayas, Mindanao—ay lahat nagtala ng hindi bababa sa pitong araw na mortality doubling time.

Isa pang mabuting indikasyon ng pag-flatten ng curve ay ang health capacity ng bansa. “Sa ngayon, ang paggamit ng mechanical ventilators ay nasa 25% lamang at halos 40% sa kada ICU (intensive care unit) beds at isolation beds. Kaya marami pa rin tayong reserve capacity,” sabi niya.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga taong nagpositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga taong sumailalim sa testing. Ayon sa World Health Organization, dapat i-target ng mga bansa ang positivity rate na 10% o mas mababa pa.

Ang Pilipinas ay nagrehistro ng 10% test positivity rate sa unang bahagi ng Mayo o katumbas na 13, 655 kataong nagpositibo mula sa kabuuang 136,169 kataong natest. Ito ay mula sa sa 17% sa unang bahagi ng Abril, o 4,144 na taong nagpositibo mula sa 24,755 unique individuals na natest.

Sinabi ng DILG Secretary na dapat ipagpatuloy ng mga LGUs ang pagpapatayo ng mga swabbing centers at testing centers sa pakikipagtulungan sa mga ospital at medical care institutions. Inaasahan din na magtatalaga ang mga LGUs ng mas maraming quarantine facilities para sa pinaghihinalaan at posibleng mga kaso ng COVID-19.

Dagdag pa rito, ang mga LGUs ay dapat ding magkaroon ng mas maraming trained na Contact Tracing Teams na mangangasiwa sa pag-trace o paghahanap sa mga nakahalubilo ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19. “Ang mga lokal na pamahalaan mula sa probinsya hanggang sa barangay level ay may malaking papel sa laban natin kontra COVID-19. Kailangan nating palakasin ang ating kapasidad para maging patas ang laban sa ating invisible na kaaway,” sabi niya.

Nananawagan din si Año sa mga kapulisan at iba bang frontliners na namamahala sa mga checkpoint at sa nagbibigay tulong sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) sa pamamahagi ng pinansyal na tulong mula sa Social Amelioration Program (SAP) at relief goods na panatiliin ang physical distancing at ang pagsuot ng face mask at iba pang pag-iingat.

“Nasa ECQ man tayo o General Community Quarantine, parehas pa rin ang mga protocol. Dapat ay masanay na tayo sa new normal hanggang mahanap ang bakuna para sa COVID-19,” aniya.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-sa-LGUs-Patuloy-na-maging-listo-ngayong-nagsimula-na-ang-pag-flatten-ng-curve-ng-COVID-19-sa-bansa/NC-2020-1151

 

Programs Portal

            

         LGU 201 Profile   

            
 
DILG Intranet

     DILG GovMail     DILG Central Intranet     DILG IV-A Records Tracking System